Mabuhay! Ikaw ay nasa “Mga Tagalog na Panalangin”. Makikita mo dito ang iba’t ibang halimbawa ng mga panalangin na maaari mong bigkasin sa anumang pagtitipon at pangangailangan. Mangyaring hanapin at tingnan ang mga halimbawa ng mga tagalog na panalangin sa aming listahan.

Sa pamamagitan nito, maipararating mo ang kaukulang dasal sa ating Makapangyarihang Diyos at masasabi mo sa Kanya ang iyong mga pasasalamat, paghingi ng kapatawaran at ang iyong mga kahilingan.

Halimbawa ng Panalangin sa Gabi

Kailangan nating ihabilin sa ating Panginoon ang buong magdamag at umusal ng panalangin bago matulog sa gabi. Dapat nating ihingi ng kapatawaran an gating mga kasalanang nagawa sa buong maghapon. Katulad ng ating panalangin sa umaga, dapat nating hilingin ang gabay at awa ng Diyos upang tayo ay kanyang gabayan at tulungan.


Panalangin Bago Matulog sa Gabi
ni: Von Anrada

Panalangin sa Gabi

Amang banal, makapangyarihan sa lahat, sinasamba po kita sa lahat ng oras. Maraming salamat po sa isang buong araw na nagdaan na puno ng biyaya, pag-ibig at kaligayahan. Salamat din po sa mga pagsubok at mumunting mga luha na dumating sa aking buhay na alam ko pong siya po ninyong paalala sa akin na kayo po ay Diyos na buhay.

Maraming salamat po sa pagbabantay sa akin at sa aking pamilya’t mga kaibigan sa loob ng maghapong ito at sa paggabay sa amin sa mga pagsubok na aming nakasalamuha. Alam ko pong nariyan kayo sa aming tabi sa lahat ng oras upang kami ay bantayan at gabayan.

Nagpapasalamat din po ako sa mga aral na aking natutunan sa inyo sa buong maghapong nakalipas. Ang lahat po ng ito ay aariin kong kayamanan at pipiliting isabuhay hanggang ako po’y may hininga.

Panginoon ko’t Diyos ko, Patawarin naman po ninyo ako sa mga pagkakasalang nagawa ko at sana’y mabigyan pa ninyo ako ng panahon upang makapagbagong buhay. Ako po’y nagsisisi sa aking mga pagsalangsang sa inyong mga utos. Patawarin din ninyo ako sa mga pagtalikod na aking ginawa sa aking kapwa at sa mga pagkukulang ko sa aking mga kaibigan at mga mahal sa buhay. Pinatatawad ko rin po sila sa kanilang mga kasalanan sa akin.

Batbat po ng dumi at kasamaan ang aking puso at isipan. Nawa’y linisin mo ito ngayong magdamag at baguhin upang bukas ng umaga ay magkaroon ako ng malakas na pananampalataya at panibagong buhay. Paliwanagin mo ngayong gabi ang madilim kong isip at kalooban upang sa kinabukasan ay maging ilaw din ako sa aking kapwa na gagabay sa kanilang madilim na kalsadang tinatahak.

Gabayan din ninyo kami sa magdamag na ito at iligtas sa anumang panganib. Alam ko pong alam na ninyo ang aming mga kailangan sa araw-araw. Hindi po kami humihingi ng labis sa aming mga pangangailangan. Ibigay mo po sana sa amin sa paraang sasapat po upang kami ay mabuhay at makatulong sa mga nangangailangan. Maraming salamat po.

Idinadalangin naming ang dasal na ito sa pangalan ng iyong anak na si Jesu-kristong aming tagapagligtas.

Amen

-mgatagalognapanalangin


Tags panalangin sa gabi, dasal bago matulog sa gabi, dalangin sa Panginoon, dasal ng tao sa gabi, halimbawa ng panalangin, night’s prayer, prayer before sleeping, prayer before going to bed, panalangin sa pagtatapos ng araw.

No comments:

Post a Comment

Share this on Facebook. ^ Click the link above.


18 Na magsipanalangin kayo sa Espiritu ng lahat ng panalangin at daing sa buong panahon, at mangagpuyat sa buong katiyagaan at daing na patungkol sa lahat ng mga banal,

19 At sa akin, upang ako'y pagkalooban ng pananalita sa pagbubuka ng aking bibig, upang ipakilalang may katapangan ang hiwaga ng evangelio,

20 Na dahil dito ako'y isang sugong natatanikalaan; upang sa ganito ako'y magsalita na may katapangan gaya ng nararapat na aking salitain. Mga Taga-Efeso 6:18-20