Mabuhay! Ikaw ay nasa “Mga Tagalog na Panalangin”. Makikita mo dito ang iba’t ibang halimbawa ng mga panalangin na maaari mong bigkasin sa anumang pagtitipon at pangangailangan. Mangyaring hanapin at tingnan ang mga halimbawa ng mga tagalog na panalangin sa aming listahan.

Sa pamamagitan nito, maipararating mo ang kaukulang dasal sa ating Makapangyarihang Diyos at masasabi mo sa Kanya ang iyong mga pasasalamat, paghingi ng kapatawaran at ang iyong mga kahilingan.

Halimbawa ng Panalangin sa Diyos

Amang Diyos, Panginoong Banal, ako po ay taos-pusong nagpupuri, naghahandog ng isang panalangin at sumasamba sa iyo. Talos ko ang iyong kapangyarihan at talastas ko ang iyong kadakilaan. Ikaw ang lumikha ng lahat ng bagay na narito sa lupa at maging nariyan sa langit. Sa iyo nagbuhat ang hininga ng aming mga ilong at ang buhay ng aming kaluluwa. Ikaw ang pinanggagalingan ng mga biyayang natatanggap namin sa araw-araw. Ikaw ang nagbibigay ng aming talino ng isipan, lakas ng aming katawan, kaligayahan ng aming mga puso, kapanatagan ng aming mga diwa at pag-ibig sa aming mga katauhan.

panalangin sa Diyos
Panalangin sa Diyos na Buhay 

Diyos ko, maraming salamat po sa iyong mga kabutihan at pang-unawa. Kami po ay maliit na alipin sa iyong harapan na naghahandog sa iyo ng pasasalamat sa lahat ng bagay na aming nakikita, nahihipo, naaamoy, naririnig at nararanasan. Maraming salamat sa pagbibigay sa amin ng isang pamilya na maaasahan at masasandalan sa sandal ng kahirapan. Maraming salamat sa pagbibigay sa amin ng mga kaibigan na aming matatawagan sa sandali ng pangangailangan. Maraming salamat sa pagbibigay sa amin ng mga kasamahan sa trabaho na nakahandang tumulong sa amin sa sandaling kami ay mangailangan. Maraming salamat po, Panginoon naming Diyos sa lahat ng aming kapwa na aming nakakasalubong at nakakasalamuha sa aming buhay.

Patawarin mo kami, Amang Diyos, sa aming mga kasalanan. Lapatan mo ng kalinisan ang aming maruruming puso at isipan upang malayo sa anumang dungis na siyang nagiging dahilan upang mailayo namin ang aming pagkatao sa iyo. Patawarin mo kami sa paminsan-minsan naming pagkakatalisod sa kalsadang aming dinaraan.

Panalangin namin sa iyo, Diyos na sana’y magkaroon kami ng sapat na kalakasan upang magampanan namin ang aming responsibilidad bilang ama, ina, anak, kapatid, kaibigan at kapwa. Bigyan mo kami ng tuwid na isipan upang sa bawat sandali ng aming buhay ay walang ilalaman kundi ang paglilingkod sa iyo. Bigyan mo kami ng kapanatagan ng isip sa araw at gabi na siyang magsisilbing paalala sa amin na ikaw ay buhay na Diyos ng buong sansinukuban. Ilgitas mo po kami sa mga kapahamakan at ilayo sa mga tukso ng sanlibutan upang sa aming buhay ay mapaglingkuran ka namin na walang bahid ng pagsalangsang.

Panalangin namin ang lahat ng ito sa iyong harapan sa pangalan ni Jesus na aming tagapagligtas.

Amen.

Halimbawa ng Panalangin sa Diyos

No comments:

Post a Comment

Share this on Facebook. ^ Click the link above.


18 Na magsipanalangin kayo sa Espiritu ng lahat ng panalangin at daing sa buong panahon, at mangagpuyat sa buong katiyagaan at daing na patungkol sa lahat ng mga banal,

19 At sa akin, upang ako'y pagkalooban ng pananalita sa pagbubuka ng aking bibig, upang ipakilalang may katapangan ang hiwaga ng evangelio,

20 Na dahil dito ako'y isang sugong natatanikalaan; upang sa ganito ako'y magsalita na may katapangan gaya ng nararapat na aking salitain. Mga Taga-Efeso 6:18-20