Ang araw ng Pasko ay siyang araw ng pagsilang ni Jesus na ating Tagapagligtas. Ito ang araw na ginugunita natin na siya ay ipinanganak sa isang sabsaban na sagisag ng isang payak at munting pamumuhay. Ito rin ang panahon kung kailan siya dinalaw ng mga pantas at naghandog ng iba’t ibang uri ng regalo tulad ng ginto, kamanyang at mira. Ito rin ang dahilan kung bakit ang mga tao sa kasalukuyang panahon ay nagpapalitan ng mga regalo. Ito ay ang pagsunod sa ginawang pag-aalay ng mga pantas na lalaki sa ating Panginoong Jesu-kristo.
Panalangin sa Pasko |
Ang pag-usal ng panalangin sa Pasko ay isang paraan upang maipakita natin sa ating Panginoong Jesus na ating niluluwalhati at dinadakila ang kanyang pag-iral sa ating buhay sa loob ng isang buong taon. Sa mga kristiyano, napakahalaga na magkaroon tayo ng patuloy na komunikasyon sa ating Tagapagligtas. Napakahalaga rin na ating siyang kausapin sa pamamagitan ng mga panalangin na may pagdaing, paghingi ng kapatawaran at pasasalamat upang makita at malaman niya na tayo, bilang kanyang maliit na tagasunod ay nakahandang mag-alay ng ating panahon sa kanyang harapan.
Panalangin Para sa Araw ng Pasko
ni: Von Anrada
Panginoon ko at Tagapagligtas, binabati po kita sa araw ng iyong pagsilang. Ang iyong kaluwalhatian ay hindi matatawaran. Ikaw ang dahilan ng kaligtasan ng buong sandaigdigan. At ikaw ang kasama ng Amang Diyos sa paglikha ng lahat ng bagay.
Maraming salamat, Jesus na mapagbigay, sa lahat ng mga biyayang aming natanggap, natatanggap at tatanggapin. Alam namin na kung wala ka, hindi kami magkakaroon ng sapat na mga bagay na aming ikabubuhay. Sa araw na ito, kami po ay nagpupugay sa iyong banal na Pangalan . Kami po ay nainikluhod naman sa iyong kapangyarihan na sana ay magkaroon pa kami ng lakas at tibay ng loob at katawan upang malabanan ang masasamang gawain na isyang sumisira sa aming mga pagkatao. Sana’y bigyan mo kami ng kapayapaan upang maghari ang iyong kalooban sa aming mga puso at diwa.
Panginoong Jesus, pagtibayin mo ang samahan ng aming pamilya. Alisin mo ang inggit at kung anu-anong kabagaban na maaaring makasira sa aming pagkakalapit-lapit sa isa’t isa. Tanggalin mo ang masasamang hangarin ng aming kapwa sa amin upang mailayo naman kami sa anumang kapahamakan na maaaring maganap sa amin. Bantayan at gabayan mo kami sa loob ng buong isang taong darating sapagkat ikaw ang aming natitirang matibay na tanggulan.
Inaalay namin sa iyo ang aming mga kaluluwa. Mapagtibay nawa namin ang aming mga prinsipyo’t pananampalataya upang maging karapat-dapat sa iyo at magiging paghahanda namin sa pagparito mong muli. Hihintayin namin ang iyong pagbabalik at pipilitin naming magkaroon ng pananalig na hindi kailanman mabubuwag ng kahit na sino.
Maraming salamat, Jesus, sa aming pag-iral.
Amen.
can i copy this prayer and use it for our liturgy for Christmas? thank you
ReplyDelete