Mabuhay! Ikaw ay nasa “Mga Tagalog na Panalangin”. Makikita mo dito ang iba’t ibang halimbawa ng mga panalangin na maaari mong bigkasin sa anumang pagtitipon at pangangailangan. Mangyaring hanapin at tingnan ang mga halimbawa ng mga tagalog na panalangin sa aming listahan.

Sa pamamagitan nito, maipararating mo ang kaukulang dasal sa ating Makapangyarihang Diyos at masasabi mo sa Kanya ang iyong mga pasasalamat, paghingi ng kapatawaran at ang iyong mga kahilingan.

Halimbawa ng Tula na Panalangin

Ang isang Tagalog na tula ay maaari ring gamitin upang magsilbing isang panalangin o dasal na maipahayag ang ating pagsamba, pagdakila at pagluwalhati sa ating Diyos.

Panginoong Diyos, Kabanal-banalan sa Kaitaas-taasan!

Ikaw ang Diyos na Buhay!
ni: Von Anrada

Panginoong Diyos, Kabanal-banalan,
Ikaw ang hari ng mga kaharian,
Sa iyo nagbuhat itong kalangitan,
Pati kabundukan at ang kapatagan.

Sa hiram na hinga’y nagpapasalamat,
Buhay ko’t katawa’y sa iyo nagbuhat
Pati kasuotan, pagkain at lahat,
Nangagkaloob nga ng biyayang sapat!

Patawad, Ama ko, sa pagkakasala,
Nawa’y kaawaan sa duming nagawa,
Linisin ang puso pati na ang diwa,
Upang malabanan ang dy’ablong masama!

Ang tula pong ito ay tanggapin Mo,
Handog ko’t papuri’t saka patotoo,
Na ikaw ang Diyos sa lahat ng dako,
Ilaw na liwanag na pumaparito!

Sa aming paggising hanggang takipsilim,
Ay Ikaw ang siyang narito’t kapiling,
Iyong mga mata ang aming bituin,
At siyang liwanag sa gabing madilim.

Ama naming Diyos, makapangyarihan
Talastas kong ikaw ang aming sandigan,
Sinasamba kitang walang alinlangan,
Sa ngayon, kahapon at kinabukasan!

Amen.

Ang panalangin na tula ay maaaring kopyahin at ipamahagi sa iba kahit walang pahintulot ang blog na ito.

1 comment:

Share this on Facebook. ^ Click the link above.


18 Na magsipanalangin kayo sa Espiritu ng lahat ng panalangin at daing sa buong panahon, at mangagpuyat sa buong katiyagaan at daing na patungkol sa lahat ng mga banal,

19 At sa akin, upang ako'y pagkalooban ng pananalita sa pagbubuka ng aking bibig, upang ipakilalang may katapangan ang hiwaga ng evangelio,

20 Na dahil dito ako'y isang sugong natatanikalaan; upang sa ganito ako'y magsalita na may katapangan gaya ng nararapat na aking salitain. Mga Taga-Efeso 6:18-20