Mabuhay! Ikaw ay nasa “Mga Tagalog na Panalangin”. Makikita mo dito ang iba’t ibang halimbawa ng mga panalangin na maaari mong bigkasin sa anumang pagtitipon at pangangailangan. Mangyaring hanapin at tingnan ang mga halimbawa ng mga tagalog na panalangin sa aming listahan.

Sa pamamagitan nito, maipararating mo ang kaukulang dasal sa ating Makapangyarihang Diyos at masasabi mo sa Kanya ang iyong mga pasasalamat, paghingi ng kapatawaran at ang iyong mga kahilingan.

Mga Panalangin Para sa Ina ng Laging Saklolo Pangalawang Bahagi

Pag-aalay ng Sarili sa Ating Ina ng Laging Saklolo
(Unang Miyerkules lamang)

Kanilis-linisang Birhen Maria, Ina ng Diyos at Ina ng Santa Iglesia, ikaw ay amin ding Ina na laging handang sumaklolo sa amin. Taglay ang mga pusong lipos ng pag-ibig sa iyo iniaalay namin ang aming sarili sa iyong Kalinis-linisang Puso upang kami ay maging tapat mong mga anak.

Ihingi mo kami ng tunay na pagsisi sa aming mga kasalanan at katapatan sa aming mga ipinangako nang kami ay binyagan. Iniaalay namin sa iyo ang aming puso't kaluluwa upang lagi naming sundin ang kalooban ng aming Ama sa langit. Iniaalay namin sa iyo ang aming buhay upang lalo naming mahalin ang Diyos at mabuhay kami hindi para sa aming sarili kundi para kay Kristong iyong Anak. At upang siya’y aming makita at paglingkuran sa aming kapwa.

Sa abang pag-aalay na ito, pinakamamahal na Ina ng Laging Saklolo, ipinangangako namin na ang aming buhay ay itutulad namin sa iyo ikaw na pinakaganap na Kristiyano upang matapos naming mailaan sa iyoang aming sarili, sa buhay at kamatayan ay makapiling nawa kaming iyong Anak magpakailanman.

Amen.

Birheng Mahal

Birheng mahal, Birheng mahal,Ang nasa ko'y ano?
Di nais ang kayamananAt tuwang napaparam;
O, Birheng mahal, Birheng mahalAng samo ko'y ito:
Si Hesus na kalong mo sa bisig ligaya ng buhay ko.
Birheng mahal, Birheng mahal,Dagat itong buhay.
Ang ‘yong Anak ay itanglaw at nang di maligaw;
At, Birheng mahal, Birheng mahal,Ang nais ko'y ito:
Sa hantungan nitong paglalakbay si Jesus ay makamtan.

Handog ng Tagapagligtas

Handog na TagapagligtasLangit sa amin nagbukas
Pagkalooban ang iyong angkan ng pananggol sa kasamaan
Ang isang Diyos ay purihin.Tatlong Persona ay sambahin;
Ang buhay namin ay palawigin hanggang sa buhay na darating.

Amen…

Pasasalamat

Panginoon Hesukristo, na nasa Banal na Eukaristiya, sinasamba ka namin. Ikinalugod ng Ama na ang buo Niyang pagka-Diyos ay sumasa-iyo. at sa pamamagitan mo niloob Niyang pagkasunduin sa kanya ang lahat ng bagay. Loobin Mo na kami ay lubos na magpasalamat sa lahat ng ginawa sa amin ang Ama. Loobin mong pagsisihan naming lubos ang aming mga kasalanan. Sa pamamagitan Mo, pinasasalamatan namin ang Ama sa pagbibigay niya sa amin ng buhay.

Nilikha niya ang lahat ng kahanga-hangang mga bagay para sa amin. Nawa'y gamitin namin ang mga ito sa kabutihan at nawa'y pagningasin ng mga ito ang aming pagmamahal sa Kanya. Higit sa lahat, pinasasalamatan namin ang aming Ama sa pagsusugo Niya sa iyo: bilang siyang pinakadakilang tanda ng kanyang pagmamahal na nagligtas sa amin. at sa lahat ng sangkinapal sa pamamagitan ng iyong pagkamatay at muling pagkabuhay. Nagpapasalamat kami sa iyo, Panginoon, sa pagbibigay mo ng Iyong Ina upang maging Ina namin ng laging saklolo.

Harinawang ang di mabilang na biyayang tinaggap namin sa tulong niya, lalo na sa pamamagitan ng pagnonobena sa kanyaay makapukaw sa aming damdamin upang maragdagan ang aming pagtitiwala sa mapagkalingang awa ng Diyos. at sa walang sawang pagdamay ng iyong Ina. Loobin mo nawa na lagi kaming sumunod sa banal na kalooban ng Diyos at mahalin siya ng walang hanggan.

ANG KARANGALAN, KALUWALHATIAN AT PASASALAMAT AY MAPASA KABANAL-BANALANG TATLONG PERSONA … AMA * ANAK AT ESPIRITU SANTO * MAGPASAWALANG- HANGGAN AMEN.

Panalangin Para Sa Mga Maysakit

Panginoong Hesukristo, pinasan mo ang aming tiisin at dinala mo ang aming mga dalamhati upang iyong ipakilala ang halaga ng pagtitiis, at ng pangangailangan ng tao ng iyong tulong. Magiliw mong dinggin ang aming mga panalangin para sa mga minamahal namin at para sa ibang mga may karamdaman.

Loobin mo nawang maunawaan ng mga taong labis na nahihirapan dahil sa dinaranas nilang mga sakit at karamdaman na sila’y kabilang sa iyong mga hinirang. Tulungan mong maunawaan nila na sila ay kaisa mo sa iyong mga pagtitiis para sa ikaliligtas ng sangkatauhan.

Amen.

Sambahin ang Panginoon

Sambahin ang Panginoonnaririto sa altar kamatayan niya’y tagumpay na sa atin nagbibigay ng pag-asa sa ligaya at buhay na walang hanggan. Ang tinapay at ang alak na aming tinatanggap dito sa ‘yong Sakramento, O Hesus ay buhay mo. Pag-alabin aming puso sa ningas ng pag-ibig mo.

Amen, Amen.

V:
Binigyan mo sila ng pagkaing galing sa langit
(Aleluya)

R:
Bukal ng lahat ng kaligayahan.
(Aleluya)

Manalangin tayo

Panginoon naming Diyos, sa pamamagitan ng mahiwagang pagkamatay at muling pagkabuhay ng iyong Bugtong na Anak, iniligtas mo ang tao. Lipos ng pagtitiwala naming ipinahahayag ang hiwagang ito sa pamamagitan ng Eukaristiya. Tulungan mong maranasan namin ang ginawa mong pagsakop, alang-alang kay Kristong aming Panginoon.

Amen.

Pagpupuri

Purihin ang Diyos.
Purihin ang kanyang Santong Ngalan.
Purihin si Hesukristo, Diyos na totoo at Taong totoo.
Purihin ang Ngalan ni Hesus.
Purihin ang Kanyang Kabanal-banalang Puso.
Purihin ang Kanyang Kamahal-mahalang Dugo.
Purihin si Hesukristo sa Santisimo Sakramento sa altar.
Purihin ang Diyos Espiritu Santo, ang Mang-aaliw.
Purihin ang dakilang Ina ng Diyos na si Maria Santisima.
Purihin ang maluwalhating pag-akyat sa langit kay Maria.
Purihin ang ngalan ni Maria, Birhen at Ina.
Purihin si San Jose na kanyang kalinis-linisang esposo.
Purihin ang Diyos sa Kanyang mga anghel at sa Kanyang mga santo.

O Sakramentong Mahal na sa langit buhat ang puri ng kinapal Iyong iyong lahat Iyong-iyong lahat.

Aba Ginoong Maria

Aba Ginoong Maria
Napupuno ka ng grasya
Ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo
Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat
at pinagpala naman ang iyong Anak na si Hesus.

Santa Maria, Ina ng Diyos
Ipanalangin mo kaming makasalanan
ngayon at kung kami ay mamamatay.

Amen.

Mga Panalangin Para sa Ina ng Laging Saklolo Unang Bahagi

Inang Sakdal Linis

Inang sakdal linis Kami ay ihingi Sa Diyos Ama namin; Awang minimithi.
Ave, Ave, Ave Maria Ave, Ave, Ave Maria
Bayang tinubua'y ipinagdarasal at kapayapaan nitong sanlibutan.
Ave, Ave, Ave Maria Ave, Ave, Ave Maria

Pambungad na Panalangin

Pari:
Sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.

Lahat:
Amen.

Pari :
Mga kapatid, bilang mga anak ng ating Banal na Ina ay nagtipon-tipon tayo sa harap ng kanyang mapaghimalang larawan upang parangalan siya at humingi ng lahat ng ating kailangan.

Pari :
Dahil sa tayo ay di karapat-dapat na mga anak, humingi muna tayo sa Diyos ng awa at patawad.

Lahat:
Mahabaging Ama, sinugo mo sa lupa ang Iyong Banal na Anak upang tubusin at iligtas kami sa pamamagitan ng kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay, at upang bigyan kami ng bagong buhay. Sa pamamagitan nito ginawa Mo kaming Iyong mga anak upang magmahalan kami tulad ng pagmamahal ni Kristo sa amin. Anong limit naming malimutan ang dakila naming karangalang ito. Nagkasala kami sa aming mga kapatid; nagkasala kami sa Iyo. Mahabaging Ama, patawarin Mo kami. Tapat naming pinagsisisihan ang aming mga kasalanan. Kahabagan Mo kami, maawaing Ama. Lagi nawa kaming mabuhay bilang matapat mong mga anak.

Birhen Maria, Tala sa Umaga

Birhen Maria, tala sa Umaga noon pa man ay itinangi ka. Ang ‘yong liwanag ang takdang lulupig kay Satanas, tao’y ililigtas. Iyong tunghan kaming nananambitan at ang lupang iyong tinapakan. Tulong mo’y ilawit sa ‘min Maria ngayon at sa aming kamatayan. Ang kalinisan mo’y iginagalang naming mahina’t makasalanan. Awa ng Diyos ang aming kahilingan Birhen Maria, kami’y tulungan.

Panalangin sa Novena

Mahal na Ina ng Laging Saklolo, buhat sa krus ibinigay ka sa amin ni Hesus upang maging Ina namin. Ikaw ang pinakamabait, pinakamasintahin sa lahat ng mga ina. Buong giliw mong tunghayan kaming iyong mga anak na ngayon ay humihingi ng iyong tulong sa lahat ng aming pangangailangan lalung-lalo na ang biyayang ito …

(tumigil at sabihin ang iyong mga hangarin).

Noon ikaw ay nasa lupa, minamahal na Ina, ikaw ay buong pusong nakiramay sa paghihirap ng iyong Anak. Sa tulong ng iyong pananalig at pagtitiwala sa maka-Amang pagmamahal ng Diyos tinanggap mo ang Kanyang Mahiwagang Kalooban. Mayroon din kaming mga krus at mga tiisin sa buhay. Kung minsan ang mga ito'y parang hindi na namin kayang pasanin. Pinakakamahal na Ina, bahaginan mo kami ng iyong malaking pagtitiwala sa Diyos. Ipaunawa mo na walang katapusan ang pagmamahal ng Diyos sa amin, at tinutugon Niya ang lahat ang aming mga panalangin sa paraang makabubuti sa amin. Palakasin mo ang aming loob sa pagpapasan ng krus tulad ng iyong Banal na Anak. Tulungan mong maunawaan namin na sinumang nakikibahagi sa krus ni Kristo ay tiyak na makakabahagi rin ng Kanyang muling pagkabuhay. Pinakamamahal na Ina, habang kami ay nababahala sa sarili naming mga suliranin huwag sana naming malimutan ang mga pangangailangan ng iba. Mahal na mahal mo sila; tulungan mong maging ganito rin ang aming pagmamahal sa kanila. Samantalang idinadalangin namin ang aming mga adhikain at mga adhikain ng lahat ng naririto ngayon. mataimtim sa loob na hinihiling namin sa iyo, aming Ina, tulungan mo kaming makapagdulot ng aliw at ginhawa sa mga may sakit at sa mga malapit nang sumakabilang buhay, magpahilom ng sugat ng mga pusong wasak, magpagaan ng tinitiis ng mga inaapi, at turuan ng katarungan ang mga sa kanila'y nang-aapi at ibalik sa Diyos ang lahat ng mga nagkasala sa Kanya. Pinakamamahal na Ina, tulungan mo kaming umiwas sa kasalanan na naglalayo sa amin sa aming Ama sa langit at sa isa't-isa. Buong tiwala naming isinasalalay ang aming sarili sa iyong pagkalinga at lubos na umaasang kami'y iyong tutulungan.

Amen.

Panalangin Para sa Tahanan

Ina ng Laging Saklolo, pinili ka naming Reyna ng aming tahanan. Hinihiling naming pagpalain mo ang aming pamilya sa pamamagitan ng iyong matimyas na pagmamahal. Mahigpit nawang bigkisin ng Sakramento ng Kasal ang mga mag-asawa upang lagi silang maging tapat at mapagmahal sa isa't-isa tulad ng pagmamahal ni Kristo sa Santa Iglesia. Hinihiling naming pagpalain mo ang lahat ng mga magulang. Mahalin nawa nila ang mga anak na ipinagkatiwala ng Diyos sa kanila. Nawa’y lagi silang maging huwaran ng kanilang mga anak sa pamamagitan ng kanilang tunay na buhay-Kristiyano. Tulungan mong palakihin at arugain ang kanilang mga anak na may pagmamahal at takot sa Diyos. Pagpalain mo ang mga bata upang kanilang mahalin, igalang at sundin ang kanilang ama at ina. Sa iyong magiliw napagpapala tangi naming ipinagkakatiwala ang mga kabataan ngayon. Bigyan mo kaming lahat ng pagpapahalaga sa aming pananagutan nang matupad namin ang aming tungkulin na gawing pugad ng kapayapaan, ang aming tahanan tulad ng iyong tahanan sa Nasaret. Ikaw ang aming huwaran. Tulungan mo kami upang sa araw-araw ay lalong magningas, ang dalisay naming pagmamahal sa Diyos at kapwa, nang sa gayo'y maligayang maghari ang katarungan at kapayapaan sa buong sangkatauhan.

Amen.

Mga Kahilingan sa Ating Ina ng Laging Saklolo

Santa Maria
IPANALANGIN MO KAMI

Santang Birhen na ipinaglihing walang kasalanan
IPANALANGIN MO KAMI

Aming Ina ng Laging Saklolo
IPANALANGIN MO KAMI

Kaming makasalan ay tumatawag sa iyo
MASINTAHING INA, TULUNGAN MO KAMI

Upang mapuno kami ng Espiritu Santo at maging mga magigiting na saksi sa pagmamahal ni Kristo sa tao.
MASINTAHING INA, TULUNGAN MO KAMI

Upang katulad mo, ay unti-unti kaming matulad sa aming mahal na Panginoon.
MASINTAHING INA, TULUNGAN MO KAMI

Upang kami'y maging mapagpaumanhin at mapagkumbaba katulad ng inyong Anak na si Jesus.
MASINTAHING INA, TULUNGAN MO KAMI

Upang kami'y matakot na lubusang masira ang pakikipagkaibigan ng Diyos sa amin dahil sa ayaw naming pagsisihang kasalanan
MASINTAHING INA, TULUNGAN MO KAMI

Upang lagi naming sikaping matamo ang awa at patawad ng Diyos sa Sakramento ng Kumpisal.
MASINTAHING INA, TULUNGAN MO KAMI

Upang maunawaan namin na kami‘y tinuturuan ng Diyos sa pamamagitan ng mga pangyayari sa araw-araw na pamumuhay…
MASINTAHING INA, TULUNGAN MO KAMI

Upang manalangin kami araw-araw na may pagmamahal at patitiwala, lalo na sa mga sandali ng tukso.
MASINTAHING INA, TULUNGAN MO KAMI

Upang maunawaan namin ang halaga ng sama-samang pagsamba sa Diyos sa Eukaristiya
MASINTAHING INA, TULUNGAN MO KAMI

Upang patuloy na mag- alab ang aming pag-ibig kay Kristo at sa kapwa sa pamamagitan ng malimit na pagtanggap ng Banal na Komunyon.
MASINTAHING INA, TULUNGAN MO KAMI

Upang igalang namin ang aming katawan bilang mga templo ng Espiritu Santo.
MASINTAHING INA, TULUNGAN MO KAMI

Upang magsikap kaming maging tunay na mga Kristiyano sa pamamagitan ng mapagmahal at pagmamalasakit sa iba.
MASINTAHING INA, TULUNGAN MO KAMI

Upang ipahayag namin ang dangal ng trabaho sa pamamagitan ng katapatan sa aming mga gawain.
MASINTAHING INA, TULUNGAN MO KAMI

Upang buong puso naming patawarin ang mga nakagawa sa amin ng masama.
MASINTAHING INA, TULUNGAN MO KAMI

Upang maunawaan namin ang kasamaan ng paghahangad sa sariling kapakanan na makapipinsala sa iba.
MASINTAHING INA, TULUNGAN MO KAMI

Upang tumulong kami na ipamahagi ang kayamanan ng mundong ito alinsunod sa katarungan.
MASINTAHING INA, TULUNGAN MO KAMI

Upang gamitin namin ang aming mga kakayahan para sa ikabubuti ng iba…
MASINTAHING INA, TULUNGAN MO KAMI

Upang tanggapin namin ang aming pananagutan sa lipunan ayon sa diwa ng tunay na paglilingkod…
MASINTAHING INA, TULUNGAN MO KAMI

Upang idalangin namin na patnubayan at patatagin ng Espiritu Santo ang loob ng Santo Papa, ng mga obispo at mga pari…
MASINTAHING INA, TULUNGAN MO KAMI

Upang pagkalooban kami ng Panginoon ng maraming mga kabataan na may hilig na magpari, mag-ermano at magmadre…
MASINTAHING INA, TULUNGAN MO KAMI

Upang matulungan naming kilalanin at mahalin si Kristo ng mga hindi pa nakakakilala sa kanya.
MASINTAHING INA, TULUNGAN MO KAMI

Upang maunawaan namin na sa gitna ng aming mga tagumpay, kami ay nangangailang pa rin ng tulong ng Diyos.
MASINTAHING INA, TULUNGAN MO KAMI

Upang sa kamatayan ay maging handa kaming pumasok sa tahanan ng aming Ama sa langit.
MASINTAHING INA, TULUNGAN MO KAMI

Upang mamatay kaming kaibigan ni Kristo at ng aming kapwa.
MASINTAHING INA, TULUNGAN MO KAMI

Upang pagdating ng kamatayan sa aming mga minamahal sa buhay kami sana'y aliwin ng aming pag-asa sa Panginoong muling nabuhay.
MASINTAHING INA, TULUNGAN MO KAMI

Upang idalangin namin na ang mga yumao ay makinabang agad sa muling pagkabuhay ng iyong Anak.
MASINTAHING INA, TULUNGAN MO KAMI
( tahimik nating idalangin ang ating mga hangarin)

LAHAT :
Sta. Maria, tulungan mo kami sa aming pangangailangan, ipanalangin mo ang bayan ng Diyos, maranasan
nawa ng lahat ang iyong walang hanggang saklolo.

PARI :
Panginoon, ibinigay mo sa amin si Maria upang maging Ina namin na laging handang dumamay sa amin.
Loobin mo nawa na dumulog kami sa kanya sa lahat ng aming pangangailangan.

LAHAT :
Amen.

Panalangin para sa Ina ng Laging Saklolo (Mother of Perpetual Help)

Kahalagahan ng Panalangin

Ano ang Panalangin? Ang panalangin ay ang paraan ng tao upang makipag-usap sa Diyos. Ito ay isang uri ng komunikasyon upang sumamba, magpasalamat, humingi ng tawad, humiling, dumaing at magpuri. Maaari niya itong gawin sa umaga (panalangin sa umaga), sa tanghali at sa gabi (panalangin bago matulog). Kung tutuusin, ang isang kristiyano ay maaaring umusal ng panalangin kahit na anong oras. Sapagkat ang pakikipag-usap sa Panginoon ay hindi nangangailangan ng limitasyon at walang hangganan. Wala rin itong itinakdang oras o panahon.
Manalangin kayo sa araw at gabi.

Kahalagahan ng Panalangin

Ang panalangin o ang pagdarasal sa ating Diyos ay pagpapatunay na tayo ay may malakas at matibay na pananampalataya sa Diyos. Ang pakikipag-usap natin sa Kanya – sa pamamagitan ng pagdarasal ,ang siyang nagiging daan upang makalapit tayo sa Kanya at maging karapat-dapat sa kanyang harapan. Kung ang isang tao ay mapananatili ang ganitong gawain, susuklian siya ng mabuting kalooban galing sa Itaas. Kahit na ito ay isang tula na panalangin, sanaysay, maikli o mahaba, basta't naroroon ang taimtim na pagnanais na makausap ang Diyos, tiyak na pakikinggan ang mga ito. 

Pinatutunayan ng mga dasal sa Diyos na tayo ay naniniwala sa kanyang pag-iral. Sa panalangin natin ipinakikita ang ating pagpapakumbaba - ang pag-amin sa ating kahinaan at kasalanan, at ang pangako na pipilitin nating maitatwa ang kasamaan sa ating buhay. Ito rin ang nagsisilbing tagapamagitan upang patuloy tayong konektado sa Itaas.

Ang panalangin ang siyang nagiging daan ng ating pagpapasalamat sa Diyos sa lahat ng biyayang ating natatanggap sa araw-araw. Sa pamamagitan ng ating panalangin, naipapadala natin sa Diyos ang mga pasasalamat natin sa kanyang kabutihan at pangangalaga sa atin at sa ating pamilya at mga mahal sa buhay.

Ang panalangin ang paraan natin kung saan natin naipararating ang ating mga pangangailangan. Dito natin ipinamamanhik ang ating mga kahilingan tungo sa isang masagana, mapayapa at mabuting buhay tungo sa ating walang pag-aalinlangang paglilingkod sa Kanya.

Ugaliing makipag-usap sa Panginoon. Umusal ng kahit maikling panalangin upang mairating mo ang iyong mga hangarin. 

Tagalog Prayer Songs

Tagalog Prayer Songs - Mga Awit ng Panalangin

Ang pakikinig ng mga Tagalog prayer songs ay hindi lamang nakapagpapaalala sa ating lahat ng pag-iral ng Diyos sa ating mga buhay. Ito ay nakapagpapalapit ng ating mga kalooban sa ating Panginoon at nagiging isang daan upang mapalapit tayo sa ating Lumikha. Ang mga Tagalog Prayers ay nagsisilbing sandata upang maging matatag ang ating loob sa mga oras ng pagsubok at pinagdaraanan.

Dakila Ka O Diyos! 



Filipino Prayer Song with Lyrics and Video

Lumapit sa Kanya



Inspirational Tagalog Video and Music

Sa Piling Mo Jesus



Filipino Christian Songs

O Jesus Hilumin Mo



Ang lahat ng tagalog prayer songs na narito ay marapat lamang na pakinggan o panoorin kung nais na mapagaang ang sariling damdamin. Gamitin itong isang halimbawa ng panalangin sa Itaas. Pagpalain nawa ang lahat.

Iba pang Awitin:

Tagalog Christian Prayer Song Lyrics and Video

Tagalog Biblical Passage - Prayer 4

Bible Quotes with Picture

"Dahil dito naman siya'y nakapagliligtas na lubos sa mga nagsisilapit sa Dios sa pamamagitan niya, palibhasa'y laging nabubuhay siya upang mamagitan sa kanila." - Mga Hebreo 7:25


bible quotes
Bible Quotes

Filipino Prayer sa Kaligtasan

Panalangin Para sa Kaligtasan

O aming Diyos, itininataas namin sa iyong kinalalagyan sa ika-pitong langit ang panalangin ng aming kaligtasan. Talastas namin ang iyong walang hanggang kapangyarihan at alam namin na ikaw ang siyang tanging makapagliligtas sa amin laban sa anumang sakuna at kapahamakan.

Manalangin para sa Kaligtasan

Panginoon, sa iyo po namin ipinauubaya ang aming mga katawang-lupa upang bantayan ng lubos. Sa iyo namin idinudulog ang aming mga kaisipan na magkaroon ng sapat na talino upang makaiwas kami sa anumang panganib. Sa iyo namin ipinapanalangin ang aming mga kaluluwa na maging malinis at ligtas upang maging karapat-dapat sa iyong harapan.

Bantayan mo kami sa lahat ng sandali. Ilayo mo kami sa mga taong walang iniisip kundi ang paggawa ng masama. Ilayo mo kami sa mga taong nagkukunwari lamang na aming mga kaibigan. Huwag mo kaming ilapit sa mga taong magiging daan ng aming pagkapahamak. Ialis mo kami sa mga sitwasyong magkakanulo sa amin sa apoy ng impiyerno. At huwag mo kaming pahintulutang makalapit sa masasamang mithiin ng demonyo. Talos namin na tanging ang aming mga kaluluwa lamang ang kanyang interes at hindi namin pababayaang kami ay mapunta sa kanyang kaharian.

Panginoon, ikaw ang aming kaligtasan, sa iyo namin ipinauubaya ang aming katawan, kaisipan, damdamin at kaluluwa sapagkat ikaw lamang ang siyang makapangyarihan sa lahat.

Panalangin namin ito sa pangalan ng iyong anak na si Jesus.

Amen.

Panalangin Para sa Kaligtasan

Iba pang Halimbawa ng mga Dasal

Panalangin ng Adamsonian
Panalangin para sa Pamilya
Halimbawa ng Panalangin sa Diyos

Panalangin sa Araw ng Pasko

Ang araw ng Pasko ay siyang araw ng pagsilang ni Jesus na ating Tagapagligtas. Ito ang araw na ginugunita natin na siya ay ipinanganak sa isang sabsaban na sagisag ng isang payak at munting pamumuhay. Ito rin ang panahon kung kailan siya dinalaw ng mga pantas at naghandog ng iba’t ibang uri ng regalo tulad ng ginto, kamanyang at mira. Ito rin ang dahilan kung bakit ang mga tao sa kasalukuyang panahon ay nagpapalitan ng mga regalo. Ito ay ang pagsunod sa ginawang pag-aalay ng mga pantas na lalaki sa ating Panginoong Jesu-kristo.
panalangin pasko
Panalangin sa Pasko

Ang pag-usal ng panalangin sa Pasko ay isang paraan upang maipakita natin sa ating Panginoong Jesus na ating niluluwalhati at dinadakila ang kanyang pag-iral sa ating buhay sa loob ng isang buong taon. Sa mga kristiyano, napakahalaga na magkaroon tayo ng patuloy na komunikasyon sa ating Tagapagligtas. Napakahalaga rin na ating siyang kausapin sa pamamagitan ng mga panalangin na may pagdaing, paghingi ng kapatawaran at pasasalamat upang makita at malaman niya na tayo, bilang kanyang maliit na tagasunod ay nakahandang mag-alay ng ating panahon sa kanyang harapan.

Panalangin Para sa Araw ng Pasko
ni: Von Anrada

Panginoon ko at Tagapagligtas, binabati po kita sa araw ng iyong pagsilang. Ang iyong kaluwalhatian ay hindi matatawaran. Ikaw ang dahilan ng kaligtasan ng buong sandaigdigan. At ikaw ang kasama ng Amang Diyos sa paglikha ng lahat ng bagay.

Maraming salamat, Jesus na mapagbigay, sa lahat ng mga biyayang aming natanggap, natatanggap at tatanggapin. Alam namin na kung wala ka, hindi kami magkakaroon ng sapat na mga bagay na aming ikabubuhay. Sa araw na ito, kami po ay nagpupugay sa iyong banal na Pangalan . Kami po ay nainikluhod naman sa iyong kapangyarihan na sana ay magkaroon pa kami ng lakas at tibay ng loob at katawan upang malabanan ang masasamang gawain na isyang sumisira sa aming mga pagkatao. Sana’y bigyan mo kami ng kapayapaan upang maghari ang iyong kalooban sa aming mga puso at diwa.

Panginoong Jesus, pagtibayin mo ang samahan ng aming pamilya. Alisin mo ang inggit at kung anu-anong kabagaban na maaaring makasira sa aming pagkakalapit-lapit sa isa’t isa. Tanggalin mo ang masasamang hangarin ng aming kapwa sa amin upang mailayo naman kami sa anumang kapahamakan na maaaring maganap sa amin. Bantayan at gabayan mo kami sa loob ng buong isang taong darating sapagkat ikaw ang aming natitirang matibay na tanggulan.

Inaalay namin sa iyo ang aming mga kaluluwa. Mapagtibay nawa namin ang aming mga prinsipyo’t pananampalataya upang maging karapat-dapat sa iyo at magiging paghahanda namin sa pagparito mong muli. Hihintayin namin ang iyong pagbabalik at pipilitin naming magkaroon ng pananalig na hindi kailanman mabubuwag ng kahit na sino.

Maraming salamat, Jesus, sa aming pag-iral.

Amen.

Tagalog Biblical Passage - Prayer 3

Kung ating susundin ang mga aral at utos ng ating Amang nasa langit, ibibigay niya ang anumang hilingin natin sa ating mga panalangin. Agad niyang tutupdin ang mga pangako niyang ito. Ang Tagalog Biblical Passage ay nagsasaad na kung magiging kalugud-lugod tayo sa kanyang pangingin, tayo ay tatanggap ng mga biyaya at pagkakalooban tayo ng buhay na walang hanggan.

Tagalog Bible Passage

"At anomang ating hingin ay tinatanggap natin sa kaniya, sapagka't tinutupad natin ang kaniyang mga utos at ginagawa natin ang mga bagay na kalugodlugod sa kaniyang paningin." - I Juan 3:22

Panalangin na Tula with Image

Tagalog Poem Prayer with Background Image 

Tula na Panalangin sa Diyos Picture

Matatagpuan ang plain text ng tulang ito dito: Halimbawa ng Panalangin na Tula

Halimbawa ng Tula na Panalangin

Ang isang Tagalog na tula ay maaari ring gamitin upang magsilbing isang panalangin o dasal na maipahayag ang ating pagsamba, pagdakila at pagluwalhati sa ating Diyos.

Panginoong Diyos, Kabanal-banalan sa Kaitaas-taasan!

Ikaw ang Diyos na Buhay!
ni: Von Anrada

Panginoong Diyos, Kabanal-banalan,
Ikaw ang hari ng mga kaharian,
Sa iyo nagbuhat itong kalangitan,
Pati kabundukan at ang kapatagan.

Sa hiram na hinga’y nagpapasalamat,
Buhay ko’t katawa’y sa iyo nagbuhat
Pati kasuotan, pagkain at lahat,
Nangagkaloob nga ng biyayang sapat!

Patawad, Ama ko, sa pagkakasala,
Nawa’y kaawaan sa duming nagawa,
Linisin ang puso pati na ang diwa,
Upang malabanan ang dy’ablong masama!

Ang tula pong ito ay tanggapin Mo,
Handog ko’t papuri’t saka patotoo,
Na ikaw ang Diyos sa lahat ng dako,
Ilaw na liwanag na pumaparito!

Sa aming paggising hanggang takipsilim,
Ay Ikaw ang siyang narito’t kapiling,
Iyong mga mata ang aming bituin,
At siyang liwanag sa gabing madilim.

Ama naming Diyos, makapangyarihan
Talastas kong ikaw ang aming sandigan,
Sinasamba kitang walang alinlangan,
Sa ngayon, kahapon at kinabukasan!

Amen.

Ang panalangin na tula ay maaaring kopyahin at ipamahagi sa iba kahit walang pahintulot ang blog na ito.

Halimbawa ng Panalangin sa Diyos

Amang Diyos, Panginoong Banal, ako po ay taos-pusong nagpupuri, naghahandog ng isang panalangin at sumasamba sa iyo. Talos ko ang iyong kapangyarihan at talastas ko ang iyong kadakilaan. Ikaw ang lumikha ng lahat ng bagay na narito sa lupa at maging nariyan sa langit. Sa iyo nagbuhat ang hininga ng aming mga ilong at ang buhay ng aming kaluluwa. Ikaw ang pinanggagalingan ng mga biyayang natatanggap namin sa araw-araw. Ikaw ang nagbibigay ng aming talino ng isipan, lakas ng aming katawan, kaligayahan ng aming mga puso, kapanatagan ng aming mga diwa at pag-ibig sa aming mga katauhan.

panalangin sa Diyos
Panalangin sa Diyos na Buhay 

Diyos ko, maraming salamat po sa iyong mga kabutihan at pang-unawa. Kami po ay maliit na alipin sa iyong harapan na naghahandog sa iyo ng pasasalamat sa lahat ng bagay na aming nakikita, nahihipo, naaamoy, naririnig at nararanasan. Maraming salamat sa pagbibigay sa amin ng isang pamilya na maaasahan at masasandalan sa sandal ng kahirapan. Maraming salamat sa pagbibigay sa amin ng mga kaibigan na aming matatawagan sa sandali ng pangangailangan. Maraming salamat sa pagbibigay sa amin ng mga kasamahan sa trabaho na nakahandang tumulong sa amin sa sandaling kami ay mangailangan. Maraming salamat po, Panginoon naming Diyos sa lahat ng aming kapwa na aming nakakasalubong at nakakasalamuha sa aming buhay.

Patawarin mo kami, Amang Diyos, sa aming mga kasalanan. Lapatan mo ng kalinisan ang aming maruruming puso at isipan upang malayo sa anumang dungis na siyang nagiging dahilan upang mailayo namin ang aming pagkatao sa iyo. Patawarin mo kami sa paminsan-minsan naming pagkakatalisod sa kalsadang aming dinaraan.

Panalangin namin sa iyo, Diyos na sana’y magkaroon kami ng sapat na kalakasan upang magampanan namin ang aming responsibilidad bilang ama, ina, anak, kapatid, kaibigan at kapwa. Bigyan mo kami ng tuwid na isipan upang sa bawat sandali ng aming buhay ay walang ilalaman kundi ang paglilingkod sa iyo. Bigyan mo kami ng kapanatagan ng isip sa araw at gabi na siyang magsisilbing paalala sa amin na ikaw ay buhay na Diyos ng buong sansinukuban. Ilgitas mo po kami sa mga kapahamakan at ilayo sa mga tukso ng sanlibutan upang sa aming buhay ay mapaglingkuran ka namin na walang bahid ng pagsalangsang.

Panalangin namin ang lahat ng ito sa iyong harapan sa pangalan ni Jesus na aming tagapagligtas.

Amen.

Halimbawa ng Panalangin sa Diyos

Panalangin ng Adamsonian


prayer adamsonian
Ugaliing Umusal ng mga Dasal sa Itaas ng may Pagpapakumbaba

Panalanging Adamsonian

Mahal na Panginoon, Ituro mo sa akin ang mga bagay na mahalaga upang maging mapagbigay sa Iyong biyaya. Maawain sa mga may kakaunti sa harap ng hindi patas na mga pangyayari. Maging tapat kung ang mga pagpapahalaga sa mundo ay salungat sa sarili. Maging mabait kung ang mga bagay ay hindi para sa akin. At mapagkaloob kung kanilang gagawin.

Nawa’y wala ng higit pa liban sa tiwala sa Iyong kabutihan ng aking kapwa at sarili. Sana’y ang mga bagay ay maging mas mabuti. At ang kawanggawa na nagtatakda ng mga bagay sa tama. Nawa’y ang Iyong espesyal na pag-ibig para sa maralita ang tanda ng aking natatanging Vincentian na pag-aaral. Maging gawi ko ng kahusayan ang pamantayan na patuloy kong pinagbabatayan. At ang kahandaan kong makita kayo balang araw kasama si Maria, aming Ina at si San Vicente De Paul.

Amen.

Panalanging Adamsonian

Tagalog Biblical Passage Image 2

Ang Tagalog Biblical Passage ay nagsisilbing paalala sa mga tao na ang Diyos ay buhay at maaaring matagpuan sa pamamagitan ng taos sa pusong pagsisiyasat at taimtim na panalangin sa kaitaas-taasan. Araw-araw nating hanapin at piliting makapiling ang kaluwalhatian ng Panginoon sa pamamagitan ng mga dasal at pagdaing ng taimtim. 

"At inyong hahanapin ako, at masusumpungan ako, pagka inyong sisiyasatin ako ng inyong buong puso." - Jeremias 29:13

tagalog biblical passage picture
Tagalog Biblical Passage

Share this on Facebook. ^ Click the link above.


18 Na magsipanalangin kayo sa Espiritu ng lahat ng panalangin at daing sa buong panahon, at mangagpuyat sa buong katiyagaan at daing na patungkol sa lahat ng mga banal,

19 At sa akin, upang ako'y pagkalooban ng pananalita sa pagbubuka ng aking bibig, upang ipakilalang may katapangan ang hiwaga ng evangelio,

20 Na dahil dito ako'y isang sugong natatanikalaan; upang sa ganito ako'y magsalita na may katapangan gaya ng nararapat na aking salitain. Mga Taga-Efeso 6:18-20