Ang panalangin sa umaga ay isang magandang gawain bago magsimulang gumawa ng anumang gawain. Dapat tayong magpasalamat sa Diyos sa pagbibigay sa atin ng panibagong pagkakataon at ihandog sa Kanya ang anumang gawain sa tinutugpang araw.
Panalangin sa Umaga
ni: Von Anrada

Patawarin Mo naman ako, Ama, sa mga kasalanang aking nagawa at nagagawa. Patawarin Mo ako sa aking mga pagkukulang sa aking mga mahal sa buhay, sa pag-iimbot ng aking kaloobang sa aking kapwa-tao, sa mga masasamang diwang bigla na lamang pumapasok sa aking isipan, sa mga pagsisinungaling na nagagawa ng aking dila, sa mga pita ng laman ng aking mga mata, sa malimit na paglimot sa aking mga pangako. Inihihingi ko ng kapatawaran ang lahat ng aking pagsalansang. Ako’y maliit na alipin, gawaran Mo ako kahit katiting na kalakasan upang labanan ang mga tuksong ito. Linisin Mo ang aking puso, bigyan Mo ng kabutihan ang aking kalooban at gawaran Mo ako ng busilak na damdamin sa buong maghapon.
Nais ko pong sundin ang iyong kalooban at nakahanda ko pong subukan na magampanan ang mga tungkuling iyong iaatang sa akin sa araw na ito. Bigyan Mo lamang ako ng sapat na lakas upang maitatuwa ang mga masasamang gawain at tahakin ang tamang daan na dapat kong lakaran. Nakahanda rin po akong sumunod sa iyong kalooban at anumang utos na buhat sa Iyo ay akin pong pipiliting sundin. Nawa’y maging matibay ako sa mga pagsubok ng buhay at unti-unti kong malagpasan ang mga unos na darating. Patnubayan Mo ang aking mga mahal sa buhay na siya kong nagiging inspirasyon sa mundong ito upang maipagpatuloy ang aking buhay.
Marami pong salamat.
Panalangin namin ang lahat ng ito, sa pangalan ni Jesus.
Amen.
-mgatagalognapanalangin
Panalangin sa Umaga
tags: • panalangin paggising sa umaga • dasal tuwing umaga • panalangin sa pagsisimula ng araw • prayer tagalog
No comments:
Post a Comment