Pages

Ano ang Panalangin

Ano ang panalangin? Ang panalangin ay ang ating direktang pakikipag-usap sa ating Diyos at Panginoon sa langit. Ito ay isang uri ng komunikasyon na naglalayong maipahatid natin ang ating pasasalamat, paghingi ng tawad, mga kahilingan at ang ating mga hinaing. Katulad ng pakikipag-usap natin sa ating kapwa, nararapat lamang na ang panalangin natin sa ating Lumikha ay mabisa, maayos, magalang at may dalisay na kalooban upang maihatid natin nang lubos ang ating nais iparating.


Nais ng Diyos na lagi tayong nakikipag-usap sa kanya. Dito niya nakikita ang pagnanais nating mapalapit sa Kanya. Dito Niya nalalaman ang nilalaman ng ating puso. Sa pag-usal natin ng ating mga panalangin sa kanya, nagkakaroon tayo ng pagkakataon na maipakita natin sa kanya ang pagnanais nating mapalapit sa kanyang kalooban.

Ang pasasalamat natin sa pamamagitan ng mga dasal ang siyang nagpapaigting ng ating respeto at pagdakila sa kanya. Dito natin nasasabi kung gaano tayo kaligaya sa mga biyayang natatanggap natin sa araw-araw. Ang panibagong araw sa ating buhay ay sapat na upang tayo’y magpasalamat sa kanya. Ang hininga sa ating mga ilong ay sapat na upang atin siyang pasalamatan.

Ang paghingi ng tawad ay hindi lamang nakapagpapagaan ng ating mga kalooban. Ito rin ay mabisang paraan upang maipaalam natin sa Diyos na tayo’y lubhang nagsisisi sa ating mga nagawang pagkukulang at mga pagkakasala. Dito natin sa kanya maipararating ang ating lubusang pagnanais na mapatawad tayo sa ating mga pagsalangsang.

Ang pagsamba natin sa kanya sa pamamagitan ng mga dasal at panalangin ay isang paraan naman natin upang maipakita at masabi na atin siyang dinadakila at sinasamba. Ang ating pagluhod sa kanyang harapan at pagyuko ay nangangahulugan lamang na tayo’y kanyang isang alipin na nakahandang maglingkod sa kanya.

Ang paghiling ang paraan upang mabanggit natin sa kanya ang ating mga kahilingan at mga pangangailangan. Itinuturo ng Banal na Kasulatan na alam na niya ang ating mga pangangailangan bago pa man natin sabihin sa kanya ngunit ang effort na ating ginagawa sa pananalangin ay mabisang paglalahad sa kanya na taos sa ating puso ang ating ginagawa.

Mabisa ang isang panalangin kung sasamahan ng gawa. May kasabihan tayo sa wikang Tagalog: “Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.” Ang pagtulong natin sa ating kapwa, paggawa ng maliliit na bagay na pawing kabutihan ay ilan lamang sa maaari nating maging daan upang maging mabisa ang ating panalangin sa ating Diyos na Buhay!

No comments:

Post a Comment